News
Home » Blog » Tulungang Abante-Ople tagumpay

Tulungang Abante-Ople tagumpay

Mga Kwentong OFWs: OMBE NASAGIP!

Sa pamamagitan ng Blas Ople Center nasagip ng mga tauhan ng Overseas Worker Welfare Administration-Philippine Overseas Labor Office (OWWA-POLO) sa Jordan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na umano’y minaltrato ng kanyang employer. Mistulang natanggalan ng tinik sa lalamunan at kaba ang mag-asawang Rose, 45, at Jhon Ombe, 50 naninirahan sa no. 1858 Oro B St. Brgy. 770 Zone 84, Sta. Ana Manila, matapos makatanggap sila ng tawag mula sa OWWA-POLO na na-rescue na ang kanilang anak na si Josalyn, 30, isang domestic helper sa Madaba Amman, Jordan, noong Linggo dakong alas-8:04 ng gabi na oras doon sa Jordan at alas-dos naman dito sa Pilipinas. Nito lamang Sabado ng umaga (Pebrero 18) nang ilapit ng Abante kay Susan `Toots’ Ople ng Blas Ople Center ang kasong pagmamaltrato kay Josalyn ng kanyang among si Ahmend Saleem Marashdeh, taga-Madaba, Amman nang nasabing bansa. Agad naman tinugunan ni Ople ang paghingi ng saklolo ng OFW sa pamamagitan ng pagtawag nito kay Labor Attaché Linda Herrera ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Jordan. Makalipas ang isang araw, Linggo ng alas-11:00 ng gabi ay nakatanggap ng tawag si Rose, ina ni Rosalyn sa kanyang hipag na si Selma Kimpis Magallanes, na naroon din sa Jordan at nagtratrabaho rin bilang DH na sumusubaybay din kay Josalyn, na sinabing nasagip na ang kanyang anak at nasa kamay na ng mga tauhan ng OWWA. Hindi naman makapaniwala si Rose sa tawag ng kanyang hipag na nasagip na ang kanyang anak mula sa kanyang among si Saleem. At dito na lamang napaiyak si Gng. Ombe nang magpadala ng litrato ng kanyang anak sa pamamagitan ng Facebook messenger na nasa loob ito ng tanggapan ng POLO na kitang-kitang nakangiti at masaya na ang anak na si Josalyn. Isang mensahe rin ang natanggap ni Rose sa kanyang FB messenger dakong alas-5:39 ng umaga dito sa Pinas mula sa kanyang anak na nagsasabing “Mama ligtas na ako, andito na ako sa POLO, Tuesday haharap ako sa labor ministry tapos uuwi na ako. Yesss, binasag ng amo ko ‘yun phone ko pero dinagdag ko ‘yun sa kaso kailangan nilang bayaran sa akin ‘yun at kailangan ibigay nila sa akin ang huling suweldo ko for February. At ‘yung kakulangan sa suweldo ko na binibigay nila. Kasi sa kontrata ay 400 dollars tapos pagdating sa kanila ay 350 dollars na lang. Naka-block list na sila (amo) at hindi na sila makakakuha ng katulong”. Dito na naniwala at nawalan ng kaba si Ginang Ombe nang makatanggap na siya ng mensahe sa kanyang anak. Bukod pa dito sinabi rin sa mensahe ng kanyang anak na ngayong linggong ito ay makakauwi na ito sa Pilipinas matapos lamang ang pagproseso ng kanyang mga papeles. Paliwanag ni ginang Ombe na una nang hu­mingi ng tulong si Magallanes (hipag) sa tanggapan ng DOLE, OWWA noong Pebrero 12, araw ng Linggo kaugnay sa nararanasang pagmamaltrato ni Josalyn mula sa kanyang amo na kinukulong siya sa kuwarto, maghapon na hindi pinapakain, dinuduraan, halos hindi na pinapatulog dahil sa sobrang subsob sa trabaho at lagi pang pinaglilinis sa labas ng bahay kahit na sobrang lamig (sand storm). Ang among babae ang madalas na manakit kay Josalyn sa tuwing wala sa bahay ang among lalaki. Misan pa aniya, nagselos pa ang babaeng amo kay Josalyn dahil sa maganda naman ang trato ng lalaki sa kanya. Minsan aniya, nagtungo ng US ang lalaking amo para sa business trip na isang linggong nawala, at dito na sinamantala ng babaeng amo ang matinding pagmamalupit kay Josalyn. “Okey naman daw po sila ng kanyang among lalaki, mabait naman daw po, kaya lang pong parang pinagseselosan ng asawa dahil sa mabait siya sa a­king anak. Kaya ganun na lamang po siguro ang galit ng among babae kaya tuwing wala ‘yun among lalaki, pinapahirapan ang aking anak,” kuwento pa ni Rose. Sinabi pa nito na hindi lamang ito ang unang insidente nang pananakit kay Josalyn dahil noong Disyembre na wala rin ang among lalaki ay sinaktan din siya ng asawa nito. Humingi umano ng tawad ang babaeng amo na hindi na niya uulitin ang kanyang ginawang pagmamaltrato basta huwag lamang umalis ito sa kanila. Pinagbigyan ni Josalyn ang pakiusap ng mag-asawang amo hanggang sa pinagpatuloy na nito ang kanyang pagtratrabaho. Makalipas naman ng isang buwan, pinagmalupitan muli siya ng kanyang among babae hanggang sa ipinarating na ni Josalyn sa kanyang mga magulang at tiyahin ang kalupitan na ginagawa sa kanya ng babae. Samantala labis namang nagpasalamat si Mrs. Ombe sa Abante team at kay Susan Ople sa mabilis na aksyon sa pag-rescue sa kanyang anak mula sa malupit na amo sa Jordan. “Nagpapasalamat po ako sa mabilis na aksyon, nag-umpisa kaming magreklamo noong Biyernes lamang po sa DOLE at humingi ng tulong sa Abante, ngayon na-rescue na ang anak ko, tatlong araw lang po naaksyunan. Maam Susan Ople maraming sala­mat po, utang na loob po na­ming ito sa ginawang pagligtas sa anak ko sana po magkita po tayo para naman po makapagpasala­mat ako ng personal sa inyo” pahayag ni Ginang Rose. Sa paghahain naman ng kaso, sinabi ni Ginang Ombe na si Josalyn na ang magdedesisyon nito pagdating sa pagsampa ng kaso dahil siya ang minaltrato at siya ang pinahirapan kaya’t siya na ang bahala na ang kanyang anak pag-uwi niya sa Pilipinas. Tatlong buwan pa lamang nagtratrabaho bilang DH si Josalyn na napilitang mangibang bansa para mapag-aral ang kanyang anak at makatulong sa kanyang mga magulang. (Itutuloy)   Abante Link:  Tulungang Abante-Ople tagumpay

                       Mga Kwentong OFWs: OMBE NASAGIP!